lunes, 16 de abril de 2007

MENSAHE SA FIESTA NG PAROKYA NI SAN ISIDRO LABRADOR



Parokya ni San Isidro Labrado
Tagbac, Lubang, Occidental Mindoro

MENSAHE

Binabati ko kayo ng mapayapa at makahulugang pagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador na ating patron!

Magpasalamat tayo sa Panginoon sa patuloy niyang pagmamahal at pagmamalasakit sa atin. Sa lahat ng panahon, napakabuti ang Panginoon! Sa panahon ng tag-araw, tag-ulan, tag-init o taglamig, kahit may bagyo o masungit ang panahon, nananatili pa rin ang kabutihan ng Diyos sa atin. Marami man o kakaunti ang naging ani sa nakalipas na taon, nararapat lamang na siya ay ating papurihan, sapagkat kailanman, hindi niya tayo pinabayaan. Ang ating pagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador na ating patron ay isang pagpupuri at pasasalamat sa pagmamahal at kabutihan ng ating Panginoong Diyos. Isang paanyaya para sa atin na tumugon din sa kanyang kabutihan at pagmamahal.

Naaayon ang napiling tema ng ating pagdiriwang sa taong ito: “Kilos Pamayanan, ang Diyos ay Paglingkuran, Kapwa ay Pagmalasakitan.” Bilang Pamayanang Kristiyano, nagiging buháy ang ating pananampalataya sa ating Panginoon sa pamamagitan ng ating pagkilos, sa paglilingkod sa Kanya at pagmamalasakit sa ating kapwa. Ang pananampalatayang walang pagkilos o gawa ay patay ayon kay Apostol Santiago. Nakikilala tayong mga alagad ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng ating pagmamahal sa isa’t isa. (Juan 13:35) Ang Diyos ang unang nagmahal sa atin. Tumutugon tayo sa pagmamahal na ito sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmamalasakit sa ating kapwa. Nawa sa ating pagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador ay mas lalong tumibay ang ating pagmamahal sa Diyos. Batid natin na laging inuuna ni San Isidro ang Diyos sa kanyang buhay. Bago magtrabaho sa bukid, inuuna niya ang pagsisimba at pagdarasal. Mapagmahal din siya sa kanyang kapwa lalo na ang katulad niyang mahihirap. Maging inspirasyon nawa natin siya sa paglilingkod sa Diyos at pagmamalasakit sa ating kapwa.

Muli binabati ko kayo ng maligayang kapistahan!

Bumabati,

Rev. Fr. Primo M. Fagel Jr., MJ
Kura - Paroko

No hay comentarios: